Wednesday, September 20, 2017

JOSHUA, pinalakpakan at nangibabaw ang kahusayan sa pag-arte

ANG husay husay ni Joshua Garcia sa The Good Son, na kung saan ipinapanood ang first three days sa special screening na ginanap sa Dolphy Theater.


Una kaming nagalingan kay Joshua sa Barcelona: A Love Untold na kung saan gumanap siya bilang anak ni Aiko Melendez na si Tonying.
Kasunod ang remarkable performance niya sa 2016 MMFF entry na Vince & Kath & James and recently sa blockbuster hit na Love You to the Stars and Back na muli niyang naka-partner si Julia Barretto, na kung saan pareho silang hinangaan sa pag-arte.


Sa telebisyon naman, una siyang nagpamalas ng galing sa pag-arte sa Nasaan Ka Nang Kailangan Kita at nasubaybayan namin ang kanyang pagganap bilang 'Z', ang nag-iisang apo ni Nanay Gloria sa The Greatest Love, na kung ilang beses niya kaming pinaiyak.
Bukod pa sa single performance niya sa Maalaala Mo Kaya at Ipaglaban Mo.


At sa first three episodes ng The Good Son, pinalakpakana at nangibabaw nga ang kahusayan ni Joshua at walang takot na nakipagsabayan sa magagaling sa artista na kasama sa serye.
At sa ipinakita na mga susunod na episodes lalo pang tumindi ang mga eksena na tiyak na aabangan at lalo pa niyang pahahangain ang mga manonood.
Kaya sama-samang imbestigahan ang kakaibang kaso ng pagmamahal para sa pamilya at ang paglaban ng tatlong anak para sa kanilang karapatan sa The Good Son, ang inaabangang serye ng ABS-CBN na mag-uumpisa ngayong Lunes (Sept. 25) sa Primetime Bida.
Magiging isang malaking palaisipan sa mga manonood ang mga magiging tagpo sa The Good Son dahil iikot ito sa kwento ng magkakapatid mula sa dalawang pamilya na naghahanap ng katotohanan sa pagkamatay ng kanilang ama.

Pinangungunahan ang serye ni Joshua Garcia na gaganap bilang Joseph, ang responsableng anak ni Racquel (Mylene Dizon) na gagawin ang lahat para mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang pamilya. Kasangga naman niya ang kanyang maabilidad na kapatid sa ina na si Obet (McCoy De Leon) na siyang nagdadala ng saya at nagpapatibay sa puso nila sa oras ng kagipitan.
Masaya silang namumuhay kahit pa hindi nila nakakapiling ang ama nilang si Victor (Albert Martinez) at itinuturing lamang sila nitong pangalawang pamilya. 
Dahil sa pangalang pina-ngangalagaan, pilit silang itinatago ni Victor mula sa mata ng mga tao, sa tulong ng tunay niyang asawang si Olivia (Eula Valdes) at mga anak nitong sina Enzo (Jerome Ponce) at Calvin (Nash Aguas).


Ngunit pilit silang pagtatagpuin ng tadhana dahil isang trahedya ang gugulantang sa kanilang lahat, mamamatay si Victor sa ika-40 nitong kaarawan.
Dito mag-uumpisang gumulo ang kanilang mga buhay dahil bukod sa mabubulgar na ang katauhan ng pangalawang pamilya ni Victor, kabilang sa mga suspek sa pagkamatay niya ang mga anak.
Sino nga kaya ang tunay na pumatay kay Victor? Ano na nga kaya ang kahahantungan ng kanyang mga naiwang pamilya?
Maipaglaban kaya ng apat na anak kung sino sa kanila ang tunay na “good son?”
Matutunghayan din sa The Good Son ang mga tinitingalang teen stars ngayon na sina Loisa Andalio, Elisse Joson, at Alexa Ilacad, kasama ang mga batikang aktor na mahuhusay din ang pagganap na sina John Estrada, Ronnie Lazaro, Jeric Raval, Alex Medina, at Kathleen Hermosa. 


Ito ay sa ilalim nang napakahusay na direksyon nina Manny Palo at Andoy Ranay.
Para sa karagdagang impormasyon, pumunta lamang sa fb.com/dreamscapeph at i-follow ang @DreamscapePH sa Twitter at Instagram.


(Published @ People's Balita - September 20, 2017)

No comments:

Post a Comment